MANILA, Philippines- Magpapatupad ang Commission on Elections (Comelec) ng mas mahigpit na security measures sa Cotabato City para sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2025 national at local elections (NLE).
Sa press release ng Bangsamoro Information Office, binanggit ni Maguindanao del Norte Election Officer Mohammad Nabil Mutia na bahagi ng kanilang mas malawak na pagsisikap ang mas mahigpit na hakbang upang mapanatili ang isang mapayapa at maayos na paghahain ng COC sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.
Maaaring maghain ng kanilang COCs ang mga kandidato para sa Cotabato City sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex habang ang mga nag-aagawan ng posisyon sa Maguindanao del Norte ay maghahain ng COC sa Office of the Provincial Election Supervisor.
Ang paglalabanan sa Cotabato City ay mga posisyon para sa alkalde, bise alkalde, at konsehal ng lungsod habang ang mga kandidato para sa Maguindanao ay maglalaban-laban sa pagka-gobernador, bise gobernador, at mga miyembro ng House of Representatives.
Ang mga sumusunod ay ipatutupad sa loob at labas ng BGC:
Pansamantalang pagsasara ng Gov. Gutierez Avenue sa BGC;
Rerouting ng Public Utility Jeepneys at private vehicle sa ND Village;
Mahigpit lamang na isang (1) sasakyan kada kandidato ang papayagang makapasok sa BGC;
Mahigpit na ipagbabawal ang mga baril sa loob ng BGC; pati ang mga taga-suporta/iba pa sa convoy ni Gov. Gutierez ay hindi papayagang makapasok;
Ang mga empleyado ng BARMM na may pribadong sasakyan ay gagamit ng back gate habang ang mga empleyado at walk-in na kliyente na maaapektuhan ng rerouting ay dadalhin sa BARMM coaster sa kahabaan ng ND Village corner Malagapas access road;
Ang out-patient para sa medical check-up sa Polymedic ay susunduin ng ambulansya ng RMDU.