Home METRO 2 tiklo sa P2.6M puslit na yosi

2 tiklo sa P2.6M puslit na yosi

MANILA, Philippines- Dalawang indibidwal na sangkot sa pagpuslit ng sigarilyo ang inaresto ng  National Bureau of Investigation Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao (NBI-BARMM).

Sina Abdul Japar Trisyang at Hadji Mama ay naaresto sa entrapment operation sa Datu Odin Sinuat, Maguindanao del Norte dahil sa paglabag sa mga sumusunod: An Act Amending Certain Sections of the Tariff and Customs Code of the Philippines; Tax Reform Act of 1997 at The Graphic Health Warnings Law.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang impormasyon ay mula sa reliable source kung saan ibinunyag na noong Hunyo 27, 2024, ang kargamento na umano’y counterfeit at ismagel na sigarilyo ay nakaangkla sa bahagi ng Kinudalan, Lebak,Sultan Kudarat.

Idinagdag ng impormante na ang target na ismagel na sigarilyo ay karga ng wing van at dadalhin mula Lebal, Sultan Kudarat sa pamamagitan ng Upi road pababa sa Awang, Datu Osin Sinuat, Maguindanao Del Norte patungong Davao City. 

Gayuaman, nasuspinde ang initial transport dahil sa pinaigting na operasyon ng mga lokal na awtoridad laban sa smuggling. 

Noong Hunyo 30, 2024, ipinaabot ng impormante sa mga operatiba ng NBI-BARMM na magsisimula ang transportasyon ng mga target na ismagel na sigarilyo sa gabi ng araw na iyon.

Sa direktiba ni Santiago, agad na ikinasa ng mga operatiba ng NBI-BARMM ang entrapment operation at nagtungo sa target area kung saan hihinto ang target na van.

Nang dumaan sa Datu Odin Sinuat, Maguindanao del Norte, agad na pinara ng mga operatiba ng NBI-BARMM ang van at hinanapan ng dokumento ang kargamento ngunit walang anumang naipakita.

Natuklasan din na naglalaman ng sako-sakong charcoal ang wing van at ismagel na sigarilyo.

Bunsod nito, inaresto sina Trisyang at Mama at kinumpiska ang 100 cases ng assorted  counterfeit/smuggled cigarettes na tinatayang aabot sa P2.6 milyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden