Home NATIONWIDE 2 tiklo sa pagbebenta ng mga nakumpiskang sigarilyo ng BOC

2 tiklo sa pagbebenta ng mga nakumpiskang sigarilyo ng BOC

MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagbebenta ng kahon-kahong smuggled na sigarilyo na pinasisira ng Bureu of Customs ng kinontratang kompanya ng ahensya sa Capas, Tarlac.

Tiniyak naman ng BOC, na may mananagot kapag mapatunayan ang ulat na ilang personnel nito ang sangkot sa scheme.

Ang dalawang naarestong indibidwal ay nakilalang empleyado ng disposal company na kinontrata ng BOC upang sirain ang smuggled na sigarilyo na nauna nang nakumpiska.

Sa ulat, nag-aalok umano ang kompanya na ibenta ang mga kahon-kahong sigarilyo sa poseur buyer ng P250 milyon. Ang kontrabando ayon sa BOC ay nagkakahalaga ng P270 milyon.

Sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, na inatasan na niya ang Intelligence Groups Customs Intelligence and Investigation Service na silipin ang naturang usapin at agad na ireport sa kanya.

“The NBI has our full cooperation and I promise that anyone found involved in this will be held accountable. Heads will roll,” sinabi ni Commissioner Rubio.

Sinabi ni Rubio na kung ang imbestigasyon ay may target na isang tao mula sa kanilang hanay, ito ay higit aniyang dahilan upang makipagtulungan sila sa NBI upang makuha ang ugat nito at panagutin.

Ayon sa BOC, sa apat na container ng smuggled na sigarilyo, tatlo ang orihinal na naka-consignee sa isang kumpanya habang ang natitirang container ay naka-consignee sa ibang kumpanya.

Ang hiwalay na waste disposal company ang kinontrata ng BOC upang sirain ang sigarilyo, ayon pa sa BOC.

Inakusahan ng NBI na ang environmental consultant ng disposal facility ang isa sa naghahanap ng mga buyers ng mga kalakal, na ang ilan ay inaalok online.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagsagawa ang ahensya ng surveillance at nang magpositibo ay naghanda sila ng P17.5 milyon na boodle money.

Ang mga naarestong indibidwal ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 12022 o ang Anti-Agricultural Sabotage Act, at posibleng iba pang batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden