Home METRO 2 timbog sa P12.9M shabu

2 timbog sa P12.9M shabu

LUCENA CITY- Nadakip ng anti-illegal drug operatives ng kapulisan ang dalawang hinihinalang big-time traffickers sa magkahiwalay na buy-bust operations nitong Huwebes sa Dasmariñas City, Cavite, at nasabat ang mahigit P12.9 milyong halaga ng “shabu” (crystal meth).

Batay sa ulat na inilabas ng Police Region 4A (PRO-4A) nitong Biyernes, naaresto ng mga awtoridad ang isang nagngangalang “Nicasio” ng alas-10:40 ng umaga matapos itong magbenta ng isang pakete ng shabu sa undercover police officer sa isang transaksyon sa Barangay Sampaloc 4.

Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng meth at may timbang na 800 gramo na may estimated value na P5,440,000 at isang tea bag na may 1,000 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000.

Dakong alas-4:08 ng madaling araw, nahuli ng city drug enforcement unit ang isang nagngangalang“Chayan,” 17, sa isa pang sting operation sa Barangay Paliparan 3.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang knot-tied plastic bags na may shabu na tumitimbang ng 100 gramong nagkakahalaga ng P680,000.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pinagmulan ng nasamsam na droga mula sa mga suspek.

Batay sa mga pulis, kasama ang mga suspek sa drug watch list bilang high-value individuals sa local drug trade.

Kapwa nasa kustodiya ng mga pulis ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA