MANILA, Philippines- Sa pakikipagtulungan ng ilang pribadong security guards sa mga tauhan ng District Mobile Force Battalion ng Southern Police District (DMFB-SPD) ay nadakip ang dalawang suspek na nanapak at tumangay ng bag ng isang Chinese national Sabado ng gabi, Hunyo 7.
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles ang mga nadakip na suspek na sina alyas Jr, 22, at isang alyas Christian, 26.
Base sa report na isinumite ni Makati City police chief P/Col. Jean Dela Torre, bandang alas-9 ng gabi ay naglalakad sa Rufino underpass ang biktimang si alyas Zian, 26, kasama ang kanyang pamilya at amang si alyas Yiping nang lapitan siya ng dalawang suspek kung saan mabilis na sinuntok ito ni alyas Jr. sabay hablot naman ng bag nito ni alyas Christian at sabay nagtatakbo para makatakas.
Mabilis namang kumilos ang ama ng biktima at hinabol ang mga suspek na nakakuha ng atensyon ng ilang security guard ng MACEA security agency at ng mga tauhan ng DMFB na nagpapatrulya sa lugar.
Si alyas Christian ay agad na nasakote ng mga security guard ng MACEA habang si alyas Jr. naman ay nakorner ng DMFB sa Park, Ayala corner Buendia.
Nabawi sa mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng ₱10,850, iba’t ibang perang banyaga, passport ng biktima, Chinese bank cards, at ilang mahalagang bagay na pag-aari ng biktima.
Kaslaukuyang nakapiit sa custodial facility ng DMFB ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa Makati City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Arguelles ang mga tauhan ng DMFB sa kanilang mabilis na aksyon na nagdulot ng pagkakaaresto sa mga suspek na tumatalima sa kautusan ni PNP chief PGen Nicolas Torre III sa tatlong minutong pagresponde sa paghihingi ng tulong ng publiko sa anumang krimen. James I. Catapusan