MANILA, Philippines – Nagdulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang dalawang truck na nagbanggaan sa kahabaan ng northbound lane ng Delpan Bridge sa Maynila.
Nahirapan naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paghatak sa dalawang truck na umukopa na sa buong lane.
Naganap ang aksidente alas 11 kagabi kung saan ang 16 wheeler truck na may plate number NAN 6832 ay nawalan ng preno at dumausdos paibaba at tuluyang bumangga sa 14 wheeler truck na may plate number CAZ 3642.
Umabot na sa mahigit 10 oras na nakatengga ang dalawang truck kaya naman nagkaroon ng pagbigat ng trapiko sa northbound at southbound lane ng Delpan Bridge.
Naglagay na ng sawdust ang MMDA sa tunagas na langis sa 16 wheeler truck.
Ginagawan ng paraan ng MMDA na mapabilis ang nasabing operasyon at maibalik sa maayos na daloy ang trapiko. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)