Home METRO 2 tulak laglag sa P1M ‘bato’

2 tulak laglag sa P1M ‘bato’

Bulacan- Arestado ang dalawang hinihinalang tulak matapos umanong mahulihan ng P1,020,000 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Guiguinto.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas Mark, 39, jobless, residente ng Brgy. Concepcion, Baliwag at alyas Rosel, 46, construction worker ng Brgy. Mali’s, Guiguinto na kapwa kabilang sa unified PDEA drug watchlist.

Sa report ni Acting chief of police PLTCOL Christian Alucod kay PCOL Franklin P Estoro, Officer-in-Charge Bulacan Provincial Police Office, naganap ang operasyon bandang alas-5:30 ng umaga nitong Abril 11 sa Brgy. Poblacion.

Nakumpiska sa operasyon ang nasa 150 grams na hinihinalang shabu na may standard drug price P1,020,000.

Nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III