MANILA, Philippines- Niresbakan ng Malakanyang ang sarkastikong pahayag at pagbati ng common-law wife ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Honeylet Avanceña sa sitwasyon ngayon sa bansa gaya ng kidnapping at patayan sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Nakalulungkot ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na tila ginagawang katatawanan ni Avanceña ang gobyerno dahil sa ganitong klaseng sitwasyon.
“Kaya kay Ms. Honeylet Avanceña, huwag ninyo pong gawin na issue dahil may buhay po ditong nakasalalay, may mga buhay na nawala. Huwag ninyong gawing issue ito at gawin ninyong katatawanan ang gobyerno,” ang sinabi ni Castro. “Hindi natin malaman bakit ganoon ang naging attitude ni Ms. Honeylet. Parang ikinatutuwa pa ba niya na may mga ganitong sitwasyon sa bansa. Hindi ba dapat bilang Pilipino, nagkakaisa tayo upang ang bansa natin ay umangat hindi para lamang para sa taumbayan at para na rin mapakita natin sa buong mundo na ang Pilipinas, at ang mga Filipino ay nagkakaisa.”
Kaya ang pakiusap ni Castro ay: “Huwag silang gumawa ng gulo dahil hindi po iyan maganda. Huwag nilang simulan ang gulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganitong mga klaseng remarks o pananalita.”
Tinuran pa ni Castro na kinokondena ng Pangulo at administrasyon ang bawat krimen na nangyayari sa bansa.
“Sa katunayan nga po, nagpatalaga na po ang Pangulo – nagkaroon na po ang PNP ng Special Investigation Task Force para mag-focus po sa kaso na ito ni Mr. Anson Que. At itong si Police General Elmer Ragay, a former Director of the Anti-Kidnapping Group ay na-relieve na po dahil hindi po nasisiyahan sa pagkakataong ito sa kaniyang performance. Kaya po ang itinalaga ay si Police Colonel David Poklay na dati pong Criminal Investigation and Detection Group, kasama po siya diyan dati,” ang litaniya ni Castro.
Kaya aniya, makaaasa ang taumbayan at ang buong sambayanan na hindi tutulugan ng gobyerno ang mga ganitong klaseng sitwasyon.
Tiniyak ni Castro na pananatilihin ng gobyerno na magkaroon ng hustisya. Bibigyan ng hustisya ang dapat na bigyan ng hustisya at hindi hahayaan na mangyaring muli ang naganap sa mga naging biktima ng EJK.
“Kaya muli, pinapanawagan po natin kay Ms. Honeylet Avanceña: Huwag na po sana mamutawi sa inyong bibig ang mga ganitong klaseng pananalita dahil hindi po rin natin gugustuhing i-congratulate ang dating Pangulong Duterte sa mga nagawa pong EJK dahil po buhay po ang pinag-uusapan dito,” ang makahulugang pahayag ni Castro. Kris Jose