Home NATIONWIDE 2 tulak swak sa P223K droga sa Navotas

2 tulak swak sa P223K droga sa Navotas

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang masakote ng pulisya sa buy bust operation sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina alyas “Sinok”, 48 ng Brgy. San Jose at alyas “Sabog”, 28 ng Brgy. Tangos North.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cortes na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Matapos makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-10:49 ng gabi sa M. Naval St., Brgy. San Jose.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 32.8 grams ng hinihinalang shabu na may stand drug price value na P223,040.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. – Renato Manahan