Home METRO 2 tulak timbog sa ₱170K tobats

2 tulak timbog sa ₱170K tobats

MANILA, Philippines- Nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ang dalawang umano’y tulak na nakuhanan ng ₱170,000 halaga ng shabu noong Linggo ng madaling araw, Setyembre 8.

Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang mga nadakip na suspek na sina alyas Dave, 32 at isang alyas Nel, 25.

Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District, matagumpay na naisagawa ng SDEU ang buy-bust operation bandang alas-2:40 ng madaling araw sa Pelaez Street, Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Sinabi ni Montante na sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱170,000, dalawang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang cellular phone at coin purse.

Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit (SPDFU) upang sumailalim sa chemical analysis.

Kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap ng mga suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan