Home METRO 2 tumakas na preso todas sa tambang

2 tumakas na preso todas sa tambang

TACLOBAN CITY- Patay ang dalawang presong tumakas mula sa Southern Leyte Provincial Jail (SLPJ) habang isa ang sugatan sa ambush nitong Miyerkules.

Naganap ang insidente wala pang apat na oras matapos nilang tumakas sa pasilidad sa Maasin City, Southern Leyte.

Sakay sina Melchor Maceda, 40, Paul John Seguerra at Claudio Montilla, 33, ng motorsiklo nang atakihin sila ng hindi natukoy na gunmen sa Barangay Asuncion, Maasin, ng alas-2:55 ng madaling araw.

Agad binawian ng buhay sina Maceda at Seguerra habang sugatan si Montilla at dinala sa ospital sa Maasin kung saan siya na-confine.

Nahaharap sina Maceda at Montilla sa murder charges, habang nakaditine si Seguerra dahil sa ilegal na droga.

Sinabi ni Police Sergeant Jierve Laro, officer-on-case ng Maasin City police station, base umano sa ulat mula sa SLPJ, tumakas ang tatlong preso mula sa pasilidad sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod dakong alas-11 ng gabi noong Martes.

Ani Laro, matapos ang pagtakas ng tatlo, nagtungo umano ang grupo sa bayan ng Macrohon, halos 20 kilometro mula sa Maasin, upang bisitahin ang kaanak.

Habang pabalik sa Maasin, sinabi ni Laro na tinambangan ang mga biktima ng mga hindi natukoy na kalalakihan na nasa sasakyan.

Narekober mula sa crime scene ang pitong shell casing mula sa .45 caliber pistol.

Nang tanungin ukol sa posibilidad na hindi umano talaga tumakas ang mga preso kundi tinulungang makalabas mula sa jail facility, iginiit ni Laro na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

“We are considering revenge as a potential motive. Relatives of their victims could be implicated in this incident,” wika ni Laro. RNT/SA