Home METRO 7 mountaineer pinaghahanap ilegal na pag-akyat sa Bulkang Mayon

7 mountaineer pinaghahanap ilegal na pag-akyat sa Bulkang Mayon

LEGAZPI CITY, Albay- Pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng pamahalaang panlalawigan ang isang grupo ng mga mountaineer na ilegal umanong umakyat ng bundok makaraang lumabas sa social media ang kanilang pag-akyat sa Bulkang Mayon noong Miyerkules.

Ayon kay Dorothy Colle, pinuno ng Albay Provincial Tourism, Culture, and Arts Office, lumabag sa ordinansa ang grupo na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-akyat sa tutok ng nasabing bundok base sa Provincial Ordinance No. 0023-2016 – An Ordinance Prescribing Guidelines for Mayon Volcano Natural Park Trekking and Providing Penalties thereof.

Kumalat sa social media ang post ng blogger na si “Mudman” sa kanyang Facebook reel isang video niya at anim na indibidwal na bumababa sa Bulkang Mayon na walang mga gamit pang-proteksyon noong Miyerkules, Abril 24.

Nag-viral ang kanilang video at nagkaroon ng 3,900 reactions, 2,500 shares, at 1,200 comments hanggang alas-2 ng hapon noong Huwebes, Abril 25.

“Sa ngayon nilo-locate na po ang mga pangalan nung umakyat para mapatawan ng nararapat na penalty. Kung mahirap po na ma-locate, makikipag-ugnayan na rin po kasi National Bureau of Investigation para hindi sila makakuha ng clearance,” ani Colle.

Ibinahagi ni Albay Gov. Edcel “Grex” Lagman ang video at kinumpirma nito na walang nakuhang permit mula sa PTCAO ang mga mountaineer.

“Maaaring maabisuhan na ang Albay Tourism PTCAO ay hindi nagbigay ng anumang permit sa mga taong ito na umakyat sa Bulkang Mayon. Ipinagbabawal ng Provincial Ordinance No. 2016-23 ang pag-akyat sa summit. Kasama sa paglabag ang multa na hanggang P5,000.”

Sinabi ni Department of Tourism (DOT)-Bicol Director Herbie Aguas na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-akyat sa Mayon Volcano summit sa ilalim ng Albay Provincial Ordinance 2016-23.

“Ito ay para masiguro ang kaligtasan ng mga mountaineer at turista. Mahigpit na kinokontrol ang mga aktibidad sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone para maiwasan ang pagkawala ng mga buhay.”

Sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep na malaki ang pananagutan ng local guide na tumulong sa mga mountaineer sa pag-akyat.

Humingi ng tulong si Daep sa mga opisyal ng barangay sa paligid ng slope ng Mayon Volcano para ipatupad ang mga ordinansang nagbabawal sa mga aktibidad sa loob ng PDZ upang maiwasan ang mga aksidenteng dala ng biglaang pagputok.

Noong 2013, limang mountain climber ang namatay at pitong iba pa ang nasugatan sa isang phreatic eruption ng Mayon Volcano. Ang mga biktima ay ang local guide na si Jerome Berin at apat na German.

Nananatili sa Alert Level 1 o mababang antas ng pag-alburuto ng Bulkang Mayon subalit nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi ito nangangahulugan na tuluyan nang tumigil ang banta ng bulkan. Mary Anne Sapico