Home NATIONWIDE Laurel: DA ‘si kinonsulta sa AO 20

Laurel: DA ‘si kinonsulta sa AO 20

MANILA, Philippines- Inihayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na hindi siya sangkot sa pagbalangkas ng Administrative Order No. 20 at hindi siya kinonsulta hinggil dito.

“I understand this discussion was going on before my time. I was not consulted personally,” pahayag ni Laurel sa pagdinig sa Kamara.

“My team was not consulted. This AO is a band-aid solution…hindi ako masyadong kumporme diyan, and that is why we have asked the President for a 90-day extension. His specific instructions were to protect the farmers and fishermen,” dagdag niya.

Inilabas noong April 21, 2024, kinalos ng AO 20 ang non-tariff barriers sa pag-aangkat ng agricultural products upang matiyak ang supply at tugunan ang patuloy na pagtaas ng domestic prices. Inatasan din nito ang Bureau of Customs (BOC) na iprayoridad ang unloading at ang paglalabas ng imported agricultural products, alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.

Batay sa kautusan, kailangang padaliin ng mga departamento ang licensing ng importers, tapyasan ang processing time ng mga aplikasyon, at i-exempt ang licensed traders sa pagsusumite ng registration requirements.

Inatasan din nito ang importasyon ng ilang agricultural products na lampas sa authorized minimum access volume o ang quota  ng pumapasok na imported agricultural products sa bansa na pinapayagan ng pamahalaan, at pagbawas o pagtanggal ng administrative fees.

Sinabi ni National Economic Development Authority assistant director Rory Jay Dacumos na produkto ang polisiya ng konsultasyon sa mga miyembro ng isang inter-agency committee on inflation monitoring and outlook na kinabibilangan ng DA,  Department of Finance, at Bangko Sentral ng Pilipinas.  Inendorso umano ng panel ang findings nito na pabor sa pagpapalabas ng kautusan sa NEDA.

Giit ni AGAP party-list lawmaker Nicanor Briones, mas malala pa sa El Niño ang epekto ng polisiya sa kabuhayan ng mga magsasaka. 

“Parang napakaluwag na, parang highway ng mga importers. Kapag binasa mo, parang drinaft ng importer eh. Nakonsulta ba ang ating mga farmers bago inilabas ang AO?” giit ni Briones sa parehong public hearings.

“Talo pa nito ang El Niño. Kasi hindi natin alam kailan ang expiration ng AO,” patuloy ng mambabatas.

“The proposal [for AO 20 issuance] was approved by the committee in December 2023,” dagdag ni Dacumos. Gail Mendoza