Home NATIONWIDE Sabwatan ng doctor, drug firms sa pagrereseta kakalkalin ng Senado

Sabwatan ng doctor, drug firms sa pagrereseta kakalkalin ng Senado

MANILA, Philippines- Nakatakdang kalkalin ng Senado ang hinihinalang sabwatan ng doktor at pharmaceutical companies sa pagbibigay ng reseta na branded medicine alinsunod sa resolusyon na ikinasa sa Senado.

Sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 1011, sinabi ni Senador JV Ejercito na nilalabag ang ilang batas sa sinasabing sabwatan kabilang ang Republic Act (RA) No. 9502 or the Cheaper Medicines Act at Universal Health Care Law (UHC).

Ayon kay Ejercito, layunin ng UHC Law na protektahan ang Filipino laban sa bantang-pinansiyal at maibaba ang halaga ng out-of-pocket health expenses at iskema na nagpapataas sa halaga ng ginagastos ng mamamayan sa medisina.

“To maintain the honor and integrity of the medical profession, Congress may initiate reforms through legislative measures to protect the best interests of doctors and their patients from possible abuses, manipulation, and circumvention of laws by pharmaceutical companies,” ayon sa resolusyon.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority hinggil sa pocket health expenditures ng Filipino na tinatayang P501.79 billion o 44.7% sa kabuuang P1.12 trillion health expenditures sa taon.

Sa halagang ito, mahigit 50% o P251.4 billion ng out-of-pocket expenditures ang ginastos sa gamot na binili sa mga parmasiyutiko.

Naunang ipinaalala ni Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Lunes sa lahat ng health professionals at tauhan laban sa pagtanggap ng regalo mula sa pharmaceutical companies kapalit ng pabor ay pawang “unethical.”

Natuklasan ito sa nabulgar na ulat na ilang drug firms ang nagbibigay ng prebilihiyo sa medical professionals at gamit ang multi-level marketing schemes upang himukin sila na mag-advertise at magreseta ng produktong medikal.

Ipinaliwanag pa ni Herbosa sa isang pagdinig sa Senado na may umiiral na executive order sa paggamit ng generic drugs sa lahat ng public hospital pero may kaso na hindi clinically effective ang ilang generic drugs.

Inamin din ng health chief na may junkets dati, pero naging signatory ang Pilipinas ng Mexico City Principles na nagbibigay ng voluntary codes of business ethics sa biopharmaceutical sector. Ernie Reyes