Home METRO South Korean national na wanted sa telco fraud, ipatatapon na ng BI

South Korean national na wanted sa telco fraud, ipatatapon na ng BI

MANILA, Philippines – IPATATAPON ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa ang isang South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang 41-anyos na si Kwon Hyuckkeun ay naaresto noong Huwebes sa loob ng kanyang tirahan sa kahabaan ng E. Rodriguez St., Quezon City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Ayon kay Tansingco, ang mga miyembro ng arresting team ay armado ng warrant of deportation na kanyang inisyu alinsunod sa deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban kay Kwon dahil sa pagiging pugante at isang undesirable alien.

“He will thus be deported as soon as we have secured the necessary clearances for his departure. His name was already include in our blacklist, hence he is barred from re-entering the Philippines,” ani Tansingco.

Batay sa travel record ni Kwon, lumabas na overstaying na rin siya sa huling pagdating niya sa Pilipinas noong Nob. 26, 2018 o mahigit limang taon na ang nakararaan.

Nabatid pa sa BI na si Kwon ay may natitirang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya noong Abril 2019 ng Seobu Branch ng Daegu District Court sa Korea kung saan siya kinasuhan ng panloloko.

Nakakulong ngayon si Kwon sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon. JAY Reyes