MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi at tatlo ang nasugatan matapos gumuho ang kisame ng isang abandonadong water refilling station na isinasailalim sa renovation sa Pasay City.
Base sa imbestigasyon, kabilang sa mga nasawi ang isang senior citizen at isang construction worker. Tatlong iba pang manggagawa ang nasugatan.
Tumagal ang isinagawang search and rescue operation ng dalawang oras.
Napag-alamang walang building permit ang ginagawang renovation at hindi rin sumunod ang mga may-ari sa safety protocols.
“Walang metal scaffolding, kahoy lang ang ginamit. Wala ring suot na protective gear ang mga biktima,” ayon kay Pasay Police Major Geo Colibao.
Maaaring masampahan ng kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide ang mga may-ari ng gusali. RNT