Home METRO 2 Vietnamese nationals timbog sa baril, shabu sa Pasay

2 Vietnamese nationals timbog sa baril, shabu sa Pasay

MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang Vietnamese national makaraang mahulihan ang mga ito ng baril at shabu sa Pasay City Martes ng madaling araw, Hulyo 9.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang mga inarestong suspek na sina alyas Van, 26, at alyas Hoang, 23.

Base sa report ni Pabonita na isinumite sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspek dakong alas-3 ng madaling araw sa isang bar na matatagpuan sa kahabaan ng Service Road, Roxas Blvd., Barangay 76, Zone 10, Pasay City.

Ayon kay Pabonita, sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng monitoring ang mga tauhan ng Station intelligence Section (SIS) at anim pang tauhan ng lokal na kapulisan sa KTV bars tungkol sa kanilang natanggap na report na may mga indibidwal na nagdadala ng baril sa loob ng bars at clubs sa lungsod.

Habang nagpapatrolya ang mga operatiba ay lumapit sa kanila ang isang alyas Truong, 26, isang Vietnamese national, na humingi ng responde dahil tinakot umano siya ng mga suspek sa pamamagitan ng pagpapakita ng baril sa kanya.

Makaraang makuha ang impormasyon ay agad na tinungo ng mga operatiba ang itinuturong KTV bar na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspects.

Narekober sa posesyon ng mga suspek ang isang Colt Combat Commander caliber .45 pistola na kargado ng magazine na may tatlong bala na walang LTOPF at PTC, isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng 1.5 gramo ng hinihinalang habu na nagkakahalaga ng ₱10,200.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong light threat, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan