Home NATIONWIDE Ratipikasyon ng RAA prayoridad ng Senado – Escudero

Ratipikasyon ng RAA prayoridad ng Senado – Escudero

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bibigyan ng prayoridad ng Senado ang ratipikasyon ng Reciprocal Access Agreement (RAA), na may layunin na palakasin ang defense cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Sa panayam, sinabi ni Escudero na isaisailalim sa priority measures ang ratipikasyon ng RAA sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 22, 2024.

Pero aniya, hindi pa isinusumite ng Palasyo ang kasunduan sa tanggulan sa Senado alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.

“Hindi pa sina-submit sa Senado,” aniya.

Binanggit din ni Escudero na nakipagkita siya kay Japanese Foreign Minister Kamikawa Yoko sa isang courtesy call nitong Martes.

Inihayag ng mambabatas ang kanyang buong suporta sa bagong defense pact sa pagitan ng dalawang bansa upang mapalakas ang Pilipinas ang posisyon nito sa West Philippine Sea.

“Personally, wine-welcome ko ang kasunduang ito at isa ito sa mga kasunduan na magpapalakas sa ating bansa, magpapatatag sa ating posisyon sa rehiyon kaugnay ng issue na kinakaharap natin ngayon sa bansang China sa West Philippine Sea,” wika ng senador.

Ngunit, iginiit ni Escudero na pinakamahusay na pamamaraan ang pagpapalakas ng kapabilidad sa depensa ng bansa ang pagbibigay ng proteksyon sa karapatan ng mga Pilipino sa WPS.

“Bagama’t hindi pa tayo dumarating sa puntong ‘yon ay magandang magkaroon tayo ng kasunduan tulad nito para mapalakas yung ating kasalukuyang kalagayan at sitwasyon bagaman hindi pa dumarating yung aktwal na panahon na minimithi natin na maging malakas na ang ating sandatahang lakas,” pahayag niya.

Nakatakda sa Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution na: “no treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the Members of the Senate.” Ernie Reyes