Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES
MANILA, Philippines- Dapat subukan ng Senate ethics and privilege committee na pagkasunduin sina Senador Nancy Binay at Alan Peter Cayetano bago simulan ang pagdinig sa ethics complaints, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Miyerkules.
Sa panayam, sinabi ni Escudero na hindi pa naioorganisa ang ethics committee na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino, pagkatapos ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Aniya, habang inoorganisa ng komite ang lupon, sinabi ni Escudero na responsibilidad ng chairman na mamagitan sa dalawa bago magsagawa ng pormal na deliberasyon sa reklamo na inihain ni Binay laban kay Cayetano.
“Nasa sa kanya kung kailan i-organize ‘yung kumite at i-schedule ‘yung mga pagdinig, pero siyempre magiging pangunahing layunin niya muna bago magkaroon ng pagdinig diyan ay subukan, subukin na mapagkasundo, maayos ito nang hindi na kailangan dumaan pa sa pagdinig o desisyon o pagpapasya ng Committee on ethics,” ayon kay Escudero.
Nitong Lunes, naghain si Binay ng ethics complaint laban kay Cayetano hinggil sa sinasabi nitong “unparliamentary conduct” sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on accounts sa lumobong badyet ng New Senate Building (NSB).
Rumesbak naman ni Cayetano na maaari rin siyang maghain ng hiwalay na ethics complaint laban kay Binay sa “panggugulo” sa pagdinig na pawang paglabag sa Rules ng Senado.
Sa kabila ng ethics complaint, sinabi ni Cayetano na itutuloy ang “factual at independent review” sa lumobong gastusin ng bagong gusali ng Senado.
Kasabay nito, umapela naman si Escudero kina Binay at Cayetano na maging kalmante upang hindi na maulit ang palitan ng akusasyon sa susunod na pagdinig.
“‘Yung nangyari noong nagdaang hearing sana hindi na mangyari muli. Sana manalig ang pagiging kalma sa panig at parte ng dalawa naming kasamahan dito sa Senado,” ayon kay Escudero.
Hindi rin nito kakausapin ang dalawang kasamahan dahil kapwa sila beteranong mambabatas na alam ang ginagawa at gagawin bilang senador.
“Mag-12 taon na si Senator Nancy dito sa Senado, mag-15 taon na si Senator Alan dito sa Senado. Mga beterano na maituturing ang dalawang senador at alam na nila kung ano ang dapat at nararapat at sana kung hanggang kaya, kayang iwasan,” giit niya.
Nakatakdang magkaroon ng organizational meeting ang lupon upang talakayin ang amendments sa umiiral na rules na ipalalathala sa Official Gazette ats a pahayagan na may general circulation. Ernie Reyes