Home METRO 20 pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa Sta. Mesa

20 pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa Sta. Mesa

MANILA, Philippines- Nawalan ng tirahan ang nasa 20 pamilya at ilang mga alagang pusa rin ang namatay matapos ang sunog na naganap sa Sta. Mesa, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay sa Barangay 633, Zone 64.

Ayon sa may-ari ng bahay, wala ang mga nangungupahan nang mangyari ang insidente kung saan naiwan ang kanilang alagang pusa sa loob.

Maaari umanong tinutukan ng electric fan ang mga alagang pusa na imported dahil sa init ng panahon na posibleng pinagmulan din ng sunog. Gayunman, inaalam pa ang sanhi ng pagsiklab ng sunog.

Bagama’t ginamitan ng fire extinguisher, hindi na rin kinaya ang sunog dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy dahil karamihan ay gawa sa kahoy.

Tanging isang pusa lamang ang nakaligtas at itinurn-over ng Barangay sa may-ari .

Samantala, wala ring nailigtas na gamit ang ibang tenants.

Nagtamo naman ng minor injury ang isang bumbero sa pag-apula sa sunog.

Idineklara ang fire out bago mag-alas 9 ng gabi.

Tinataya namang nasa P500,000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden