Home METRO Mataas na opisyal ng Davao police sinibak sa pwesto

Mataas na opisyal ng Davao police sinibak sa pwesto

DAVAO CITY- Dalawang buwan lamang ang itinagal ng mataas na opisyal ng Davao City Police Office (DCPO) matapos itong alisin sa kanyang pwesto dahil sa pagkamatay ng mga drug suspect sa naturang lungsod.

Sa ipinalabas na rekomendasyon ng Regional Internal Affairs Service-Davao Region na inaprubahan ni Regional Director Police Brigadier General Aligre L. Martinez, tinanggal sa kanyang pwesto si Police Colonel Richard Bad-ang, noong Huwebes at pinalitan ito ni Police Colonel Rolindo Soguilon, deputy regional director for operations, at ngayon ay bagong direktor ng Davao City Police Office.

Ayon sa Police Regional Office-Davao Region (PRO-Davao), ang pag-alis sa pwesto kay Bad-ang ay para bigyang-daan ang gagawing imbestigasyon sa pagkamatay ng pitong katao sa pinaigting na “anti-illegal drug” operations noong Marso 23 hanggang 26, 2024.

Matatandaan na umupo si Bad-ang bilang DCPO noong Marso 22, at ginanap ang turn-over ceremony sa DCPO Headquarters, Camp Leonor Domingo, San Pedro Street.

Kamakailan ay nagdeklara si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ng “war on drugs” sa lungsod at sinuman ang sangkot ay mananagot at may parusang kamatayan. Mary Anne Sapico