Home Uncategorized Ilan pang lugar nagdeklara ng state of calamity sa gitna ng ‘paghupa’...

Ilan pang lugar nagdeklara ng state of calamity sa gitna ng ‘paghupa’ ng El Niño

MANILA, Philippines- Sa gitna ng “tail end” ng El Niño phenomenon ay mas maraming mga lungsod at munisipalidad ang nagdeklara ng state of calamity.

Sa katunayan, sinabi ni Task Force El Nino Spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama na nagpahayag ng kani-kanilang anunsyo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at 11 lalawigan na isailalim ang kanilang mga lugar sa state of calamity.

“Kaninang umaga nadagdagan pa iyong bilang ‘no –so nasa 374 cities and municipalities na po iyong apektado ng El Niño at nagdeklara po ng state of calamity,” ayon kay Task Force El Niño Spokesperson and Assistant Scretary Joey Villarama.

“Dahil po nasa tail end na po tayo ng El Niño, ini-expect po lalo na or particularly ng Department of Agriculture na kakaunti na lamang po ang madadagdag sa datos na ito,” dagdag ng opisyal.

Sa ngayon, naghahanda na ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng agricultural lands na apektado ng El Nino.

“Around 160,000 hectares of lands sustained damage amounting to P9.5 billion,” wika niya.

Naghahanda rin ang task force para sa posibleng epekto ng La Niña phenomenon.

Dahil dito, pinayuhan ni Villarama ang local government units (LGUs) at general public na maghanda na rin.

“Dapat po talaga ay naghahanda na tayo within our own households – iyong ating emergency evacuation plan; iyong ating food supply; emergency kits,” giit ni Villarama.

“Hinihikayat din natin ang mga local government unit dahil iyan po ang direktiba ng ating pangulo na paghandaan na rin po in terms of identifying iyong flood prone at hazard-prone areas; iyong ating evacuation centers; pag-iimbak po ng ating food supplies para sa magiging evacuees. At nandiyan din po ang pagtitiyak ng gobyerno na hinahanda po at nagpapatuloy po ang flood control projects pati po ang pagsasaayos po ng mga water impounding system para po hindi lamang po pangsalo sa excess water na matatanggap natin sa pagbuhos ng ulan in the coming months pati na rin po para mapakinabangan natin ito sakali pong dumating na naman po ang matinding tagtuyot at tag-init,” litaniya nito. Kris Jose