Home NATIONWIDE Implementasyon ng Catch-Up Fridays palalakasin ng DepEd

Implementasyon ng Catch-Up Fridays palalakasin ng DepEd

MANILA, Philippines- Isinasagawa na ng Department of Education (DepEd) na palakasin at paghusayin ang implementasyon ng Catch-Up Fridays program nito.

“We actually have to also recognize na meron mga ganyan na sitwasyon dahil hindi graded yung ating Catch-Up Fridays,” ayon kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa sa isang panayam.

Inilunsad noong Enero ang Catch-Up Fridays, isang “learning mechanism” na naglalayon na palakasin ang “foundational, social, at iba pang relevant skills” na kailangan para mapagtanto ang layunin ng basic education curriculum.

Winika ni Poa na ang programa ay nakalinya sa MATATAG Agenda na inilunsad noong Enero upang itakda ang bagong direksyon para sa DepEd at stakeholders sa paglaban sa mga hamon sa basic education.

Upang tugunan ang mga hamon sa kalidad ng edukasyon, inilunsad ng DepEd noong August 2023 ang binagong curriculum para sa Kindergarten hanggang Grade 10 na tinawag na “MATATAG Curriculum.”

Ipinaliwanag ni Poa na nakatuon ang MATATAG Curriculum sa basic competencies gaya ng ‘reading and comprehension’ bukod sa iba pa.

Sa MATATAG curriculum, tinuran ni Poa na ang learning competencies ay naging “decongested” para ituon sa mas mahahalagang usapin.

“Binawasan talaga natin yung napakaraming learning competencies — from around 11,000 to 3,800 for K to 10,” ayon kay Poa sabay sabing, “Ibig sabihin nun, mag-focus na tayo sa talagang essential foundational areas.”

Ang Catch-Up Fridays, ayon kay Poa ay bahagi ng ‘learning recovery efforts’ ng DepEd.

“Ito ay every Friday na tututok lang sa pagbabasa sa ating mga kabataan kasama na din yung health, values education, peace education,” aniya pa.

Patuloy niya, simula nang ipatupad ang programa sa unang bahagi ng taon ay nakatanggap na ang DepEd ng mga komento hinggil sa Catch-Up Fridays.

“Sa ngayon na gusto pa namin paigtingin due to the comments na nakukuha natin from the field,” pahayag ni Poa.

Matatandaang hiningan ng DepEd ng komento ang publiko at field offices ukol sa implementasyon ng Catch-Up Fridays at kasalukuyang pinagsasama-sama ang feedback.

Maging si Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ayon kay Poa, ay naghahangad “to really improve the implementation of Catch-Up Fridays.”

Base sa komentong nakalap, sinabi ni Poa na ang programa ay labis na nakatulong sa mga kabataan pagdating sa pagpapatuloy sa kanilang reading skills. “Meron tayong mga testimonials ng mga bata na natutong magbasa,” pahayag nito.

Samantala, upang maging “uniform” ang implementasyon, sinabi ni Poa na ang DepEd’s Curriculum Strand ay gumagana sa napaulat na isyu at alalahanin.

“When we implement it in the next school year, 2024-2025, gusto na natin maayos yung mga ganyang hinaing,” sabi ng opisyal.

Bilang bahagi ng pagsisikap na matugunan ang mga alalahanin na may kaugnayan sa Catch-Up Fridays, sinabi ni Poa na ang DepEd ay nagsimulang magbigay ng resources sa mga eskwelahan gaya ng reading materials na magagamit ng mga estudyante. 

“May mga complaints din na may kakulangan pagdating sa reading materials,” paglalahad ni Poa.

Sinabi pa ni Poa na ang Curriculum Strand ay magpapalabas ng Lesson Exemplars o Lesson Guides para sa mga guro para tulungan ang mga ito na magplano ng kanilang aralin at i-“standardize” ang programa.

“Ito yung mga unang hakbang pero hindi tayo titigil diyan, in fact hanggan ngayon, talagang pinapa-igting pa, naghahanap pa ng ibang ways para ma-strengthen yung Catch-Up Fridays,” dagdag na pahayag nito.

Hinikayat naman ng mga guro ang DepEd na suspendihin na ang Catch-Up Fridays sabay sabing ang programa ay hindi “necessity” ay nakagagambala lamang ito sa regular teaching-learning process. Kris Jose