MANILA, Philippines – PERSONAL na naghatid ng tulong sina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto sa pamilyang naapektuhan ng naganap na sunog sa Barangay 254 sa Tondo nitong araw ng Miyerkules.
Sinamahan nina 2nd District Congressman Rolan “CRV” Valeriano at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Ma. Asunsion “Re” Fugoso ang alkalde at bise alkalde sa kanilang pagbisita nitong Huwebes ng umaga ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa mahigit dalawang oras na sunog na sumiklab sa hindi ba batid na dahilan.
Sa kanyang pagbisita, namahagi si Lacuna ng P10,000 cash assistance at food boxes sa may 20 pamilya at tatlong indibiduwal na naapektuhan ng naganap na sunog.
Bukod sa tinanggap na ayuda mula sa alkalde, nakatanggap din ng P10,000 tulong pinansiyal ang mga nasunugan mula naman kay Cong. Valeriano at panibagong family food packs.
Matatandaan na nagsimula ang sunog dakong alas-11:46 ng tanghali sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ng pamilya Amora sa Tindalo St. malapit sa kanto ng Bambang Street, Tondo na umabot sa ikalawang alarma bago idineklarang fire out dakong alas-2:14 na ng hapon. JAY Reyes