MANILA, Philippines- Tinatayang nasa 20 katao na ang napaulat na nasawi at 14 naman ang nawawala dahil sa epekto ng Southwest Monsoon, o Habagat at maging Tropical Cyclones Ferdie at Gener.
Sa 8 a.m. Bulletin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na siyam ang naitalang nasawi sa Mimaropa, tig-apat sa Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dalawa sa Zamboanga Peninsula, at isa sa Central Visayas.
“The reported deaths are still up for validation,” ayon sa NDRRMC.
Nakapagtala naman ng 11 katao na sugatan sa panahon ng pananalasa ni Habagat, Ferdie, at Gener.
May kabuuang 597,870 indibidwal o 156,524 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera.
Karamihan sa mga apektadong tao ay napaulat sa Western Visayas, mayroong 256,593 indibidwal o 73,512 pamilya.
Sa kabuuang apektadong populasyon, may 62,995 indibidwal o 16,926 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 34,265 katao o 8,592 pamilya ang mas piniling manuluyan sa ibang lugar.
Dahil sa Habagat, Ferdie, at Gener, nawasak ang 930 bahay, may 789 partially at 141 ang totally damage. Nasira rin ang imprastraktura na umabot na sa P2,401,500.
Winika pa rin ng NDRRMC na nagkaroon ng power outages at communication line problems sa ilang bahagi ng mga apektadong lugar.
Mayroon namang walong domestic flights at 39 sea trips ang nananatiling suspendido. Sa apektadong seaports, may kabuuang 1,609 pasahero, 58 rolling cargoes, 25 vessels, at pitong motorbanca ang stranded.
Ang klase naman sa 592 na lugar at work schedules sa 82 lugar ay sinuspinde rin dahil sa banta ng masamang panahon.
“Assistance worth P15,574,471 has been provided to the victims so far,” ayon sa NDRRMC. Kris Jose