Home NATIONWIDE Bong Go sa DSWD: Pagbutihin mga programa para sa mahihirap

Bong Go sa DSWD: Pagbutihin mga programa para sa mahihirap

169
0

MANILA, Philippines- Sa deliberasyon ng Senate finance committee sa panukalang 2025 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pinukaw ni Senator Christopher “Bong” Go ang atensyon ng ahensiya ukol sa mga ulat na pagkaantala ng pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Program (SLP) nito.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak na ang mga benepisyaryo ng DSWD ay makatatanggap ng napapanahong suporta, lalo’t may unused fund ito mula 2023 na hindi pa nagagastos.

“Isa sa mga programa na isinulong natin, pinaglaban natin, itong Sustainable Livelihood Program, ito pong SLP. Meron pa pong mga 2023 na programa ninyo na hindi pa nagagastos at may nag-aantay pang beneficiaries para dito sa SLP,” ayon kay Go.

Idiniin ng senador na ang pondong inilaan para sa SLP ay dapat maipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo na higit na nangangailangan nito.

“Baka pwedeng icheck n’yo naman po, Secretary Rex (Gatchalian), dahil one year na po, baka hindi na nila mapakinabangan itong livelihood na ito,” dagdag ni Go.

Ang SLP, isang pangunahing programa ng DSWD, ay idinisenyo upang magbigay ng suportang pangkabuhayan sa mga pamilyang mababa ang kita at vulnerable individuals.

Bilang tugon naman sa pahayag ni Go, sinabi ni Gatchalian na may mga hamon na kinakaharap ang departamento sa pagpapatupad ng programa. Ngunit tiniyak niya sa panel ng Senado na ang ahensya ay aktibong nagtatrabaho upang pabilisin at pagbutihin ang paghahatid ng SLP.

“We promise na we are re-engineering and looking into the SLP,” sabi ni Gatchalian.

Inamin ng kalihim na nahihirapan sila sa kasalukuyang sistema ngunit gumagawa sila ng mga reporma upang mas madaling ma-access ang programa ng mga benepisyaryo nito.

“We acknowledge the difficulty. That’s why we are currently trying to make it less cumbersome,” dagdag ni Gatchalian.

Ang interbensyon ni Go sa pagdinig ay nagbigay-diin sa kanyang tungkulin na itaguyod ang transparency at mahusay na pagbibigay ng serbisyo-publiko, na layong iangat ang buhay ng mga mahihirap.

Nais niyang tiyakin na ang mga pondo ng bayan ay nakakarating nang walang pagkaantala sa mga benepisyaryo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here