MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itigil ang terminasyon nito ng kontrata sa AllCard Inc. (ACI) para sa suplay ng national ID cards.
Ipinalabas ng BSP nitong Aug. 15 ang termination notice dahil sa naiulat na “failure to deliver any or all of the goods specified in the contract, amounting to more than 10 percent of the contract price” ng ACI.
Sinabi ng BSP na nagresulta ito sa production loss na P1.06 bilyon, katumbas ng 49.91 porsyento ng P2.1 bilyong kontrata na iginawad nito sa ACI.
Subalit, nakakuha ang ACI ng temporary restraining order (TRO) mula sa Quezon City RTC Branch 76 na may petsang Sept. 9 na humaharang sa pagbali ng BSP sa kasunduan.
Anang korte, nakakita ito ng merit sa petisyon ng ACI, sa hirit nitong paglalabas ng status quo order, TRO at preliminary injunction with prayer para sa pag-isyu ng 72-hour TRO kaugnay ng arbitration proceedings na inihain nito sa Philippine Dispute Center, Inc.
“The clear and unmistakable nature of the petitioner’s right implies that any action taken to terminate the agreement without due consideration of this right would be in violation of the terms agreed upon by the parties,” saad sa seven-page order ng korte na ipinalabas ni Judge Renato Pambid.
Gayundin, binanggit sa kautusan ang “magnitude” ng P129.65 milyong liquidated damages na inihirit ng BSP dahil sa umano’y pagkaantala, at iginiit na “[g]iven the substantial amount, the right of petitioner to be fully informed of the basis of such damage and the opportunity to explain are imperative.”
Anang korte, ang pagpalyang maidetalye ang rason sa umano’y pananagutan ng ACI sa umano’y mga pagkaantala o nsatisfactory performance “casts doubt on the legitimacy of the termination decision.”
“This lack of disclosure raises concerns about the fairness of the respondent’s actions and the adequacy of the information provided to justify the termination,” dagdag ng korte.
Gayundin, binanggit ng korte ang pagbali ng BSP sa kontrata noong Aug. 15, isang araw lamang matapos ang isinagawa nitong summary hearing.
“This premature action adversely affects the petitioner, and in the court’s view, detracts from the broader public interest,” batay sa kautusan. RNT/SA