Home NATIONWIDE PhilHealth: Pagpapagamot ng mga miyembrong sapul ng dengue, leptospirosis saklaw ng benefit...

PhilHealth: Pagpapagamot ng mga miyembrong sapul ng dengue, leptospirosis saklaw ng benefit package

MANILA, Philippines- Sa gitna ng tumataas na kaso ng dengue at leptospirosis ngayong tag-ulan, pinaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang mga miyembro na saklaw nito ang pagpapagamot sa ospital para sa dalawang sakit.

Ang dengue fever benefit package ng PhilHealth ay kasalukuyang nasa P13,000, habang ang dengue hemorrhagic benefit package nito ay nasa P16,000.

Samantala, ang mga nasapul ng leptospirosis ay maaaring maka-avail ng benefit package na nagkakahalaga ng P14,300.

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue ngayong tag-ulan dahil ang 29,021 na kaso na naitala noong Hulyo 21-Agosto 3 ay tumaas ng 25% noong Agosto 4-17, na may 36,335 kaso, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH).

Mula noong nagsimula ang taon hanggang Setyembre 6, may kabuuang 208,965 na kaso ng dengue ang naitala—mas mataas ng 68% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na may 124,157 kaso.

Mayroon ding 546 na pagkamatay na naiulat sa ngayon noong 2024 dahil sa dengue.

Tungkol naman sa leptospirosis, sinabi ng DOH na may kabuuang 123 kaso ang naiulat sa buong bansa mula Agosto 18-31.

Naobserbahan ng DOH ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at ang pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat noong Hulyo.

Ang dengue at leptospirosis ay bahagi ng tinatawag ng DOH na “WILD” na mga sakit na laganap tuwing tag-ulan. Ito ay kumakatawan sa Water and food-borne diseases; Influenza-like illnesses; Leptospirosis; at Dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden