MANILA, Philippines – Nananatiling suspendido ang 20 reclamation projects sa Manila Bay, kabilang ang mga mayroong environmental compliance certificates (ECCs), sinabi ni Senador Cynthia Villar nitong Martes, Nobyembre 19.
“The latest update from the scientist conducting the studies that targets for completion will end at fiscal year 2024. Habang ginagawa ito, nananatili ang suspension ng anumang reclamation projects sa Manila Bay,” ani Villar, na chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources (DENR).
Nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros kung bakit exempted sa suspension ang 360-hectare SM Prime Project at 265-hectare Pasay Harbour City project, ipinaliwanag ni Villar na ang mga proyektong ito ay nakatugon sa legal requirements.
“They have the ECC and they have complied with the area clearance and they are already ongoing before the suspension happened,” pahayag ni Villar kasabay ng budget hearing ng DENR.
Bagamat nakuha umano ang mga kaukulang permit, sinabi ni Hontiveros na maaaring may hindi magandang epekto ito sa kalikasan.
Siniguro ni Villar kay Hontiveros na lahat ng reclamation projects, kabilang ang dalawang nagpapatuloy, ay nananatiling under review at maaaring maharap pa rin sa suspension.
“They can be subject to revision din, yung plano nila. Mamo-modify din kasi kung makaka-cause ng flooding. Etong pinatuloy, yung SM, pinagawa sila ng channel na 400 meters… eto nagmo-monitoring sila (DENR), at kung may gustong ipabago ay nagre-revision din,” ayon kay Villar.
Ibinahagi rin ng senador na ang ahensya at ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ay lumilikha ng joint memorandum para pagbutihin ang application process para sa reclamation projects.
“Because there were some mistakes like the one in Bacoor. Nag-overlap yung dalawang reclamation project,” saad ni Villar.
Sumang-ayon si Hontiveros sa aksyong dapat ipatupad ng DENR.
“So posible rin na sa reclamation projects na inapplyan… posibleng may matukoy na mistakes at mayroong – iwasto doon kung sakali?” aniya.
Sumagot si Villar sa ‘affirmative.’
Matatandaan na ipinahinto noong nakaraang taon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 22 reclamation projects sa Manila Bay, kasunod ng pangamba ng publiko sa posibleng ecological damage na idudulot ng mga proyekto, kabilang ang pinsala sa marine biodiversity, increased pollution, at worsening flood risks. RNT/JGC