MANILA, Philippines- Isiniwalat ng pamunuan ng institusyon ng tabako sa Pilipinas na malaki ang problema na kanilang kinakaharap sa kasalukuyan dahil sa talamak na pagpapakalat ng ismagel at mga pekeng produkto ng sigarilyo sa bansa.
Ang naturang pahayag ay sinabi ni Philippine Tobacco Institute President Jericho Nograles sa ginanap na Meet the Press weekly forum na ginanap sa National Press Club of the Philippines (NPC) kung saan nagsilbing moderator si NPC President Leonel “Boying” Abasola nitong umaga ng Martes, Peb. 18, 2025.
“Ang problemang ito ay dulot ng illicit trade or smuggled cigarettes o mga domestically manufactured cigarettes na hindi nagbabayad ng buwis,” ani Nograles.
Aniya, batay sa mga independent surveys, lumalabas na nationwide ay umaabot na ng 20 percent ng sigarilyo sa Pilipinas ay peke o smuggled nito lamang nakaraang taon, 2024.
Ayon kay Nograles, kung hihimayin umano ang nasabing numero sa taon 2024, lumalabas na 51 percent ng mga ismagel o pekeng sigarilyo ay matatagpuan sa Mindanao.
Ibig sabihin umano nito, majority o karamihan ng sigarilyo sa Mindanao ay iligal, at dahil majority ay iligal, malaki ang nawawalang koleksyon ng excise taxes ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya’t malaki ang negatibong epekto nito sa healthcare ng bansa.
“Ayon sa DOH, and excise taxes sa tobacco for one year ay nagpafund po yan ng P41 bilyon sa MAIP o ang Medical assistance for indigenous people,” ani Nograles.
“So kung may 51 percent sa Mindanao ang nawawala, malaki din po ang nawawala na fundings para sa MAIP na yan,” paliwanag pa nito.
Ayon pa kay Nograles, malaki ang posibilidad na umabot pa sa 25 percent na kabuuang sigarilyo sa bansa ay peke o ismagel bago matapos ang taon 2025 kung wala umanong gagawing aksyon ang gobyerno laban dito. JR Reyes