Home NATIONWIDE 200 ACMs pumalya sa araw ng halalan

200 ACMs pumalya sa araw ng halalan

MANILA, Philippines – Pinalitan ng Commission on Elections (Comelec) ang hindi bababa sa 200 automated counting machines (ACMs) dahil sa pagpalya, sinabi ni poll chief George Erwin Garcia nitong Lunes, Mayo 12.

Ayon kay Garcia, ito ay dahil dalawang beses nag-reject kaya agad na nagpasya ang kanilang operations center na i-pull out ang makina at palitan ng bago para hindi magkaproblema.

Namonitor ang mga pumalyang ACMs sa araw ng halalan sa Cebu kung saan limang ACMs ang hindi gumana nang maayos sa Lahug Elementary School ngunit agad din itong naresolba ng mga awtorisadong technician.

Ang mga teknikal na isyu sa ilang vote-counting machine ay nakagambala rin sa maagang oras ng pagboto sa GB Lontok Memorial Integrated School sa Lipa City, Batangas.

“16,000 ang contingency natin. In fact nung 2022, umaga pa lang 2,500 na makina na ang pinapalitan. Of course, mga lumang makina yan. Ang sa amin preventive measure, kahit di pa sira ang makina pero nagpapakita na ng indication, pinu-pull out na agad,” sabi ni Garcia.

Nauna nang iniulat ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang technical issues ng ilang ACMs sa ibat-ibang bahagi ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden