MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) na magpaliwanag ang mahigit 200 driving schools sa buong bansa sa umano’y “tampering” ng kanilang computer systems upang makapasok ang mas maraming estudyante kumpara sa pwede nilang tanggapin kada araw.
Base sa LTO, nag-isyu na ng show cause orders sa driving schools para sa ilang paglabag kabilang ang pag-upload ng mas maraming theoretical at practical driving course certificates kumpara sa pinapayagan, at pag-isyu ng certificates kahit hindi pa nakukumpleto ng mga aplikante ang required number of hours, batay sa ulat.
Ipinag-utos pa ng ahensya sa 88 district heads na sumasaklaw sa mahigit 200 driving schools na ipaliwanag kung bakit nila pinayagan ang driving schools na magsawa ng ganitong aktibidad, at kung bakit hindi pa ito nareresolba.
Sinuspinde ng LTO noong nakaraang buwan ang mahigit 100 driving schools dahil sa hindi pagsipot o hindi pagtalima sa wastong theoretical driver’s training. RNT/SA