IRAN – Nagbabala ang Iran na maaaring umabot sa $200 kada bariles ang presyo ng langis sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East at patuloy na pag-atake sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng suplay ng langis sa mundo.
Ayon kay Ebrahim Zolfaqari, tagapagsalita ng military command ng Iran, dapat maging handa ang mundo sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis.
“Get ready for oil be $200 a barrel, because the oil price depends on regional security which you have destabilized,” ani Zolfaqari na tumutukoy sa United States.
Kasunod ito ng ulat na tatlo pang barkong pangkalakalan ang tinamaan ng mga projectile sa Gulf, na nagdala sa 14 barko ang kabuuang bilang ng mga sasakyang-dagat na tinamaan mula nang magsimula ang sigalot, ayon sa mga maritime security agency.
Malaki ang naging epekto ng mga pag-atake sa paglalayag sa Strait of Hormuz, isang makitid na rutang pandagat sa baybayin ng Iran na dinaraanan ng humigit-kumulang ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo. Ito ang pinakamalaking pagkaantala sa suplay ng enerhiya mula pa noong oil crisis noong dekada 1970.
Mas maaga ngayong linggo, umakyat sa halos $120 kada bariles ang presyo ng langis bago bumaba sa humigit-kumulang $90, habang umaasa ang mga investor na makakahanap ng paraan si US President Donald Trump upang matapos ang digmaan na nagsimula matapos ang pag-atake ng United States at Israel sa Iran noong Pebrero 28.
Sinabi ng militar ng Iran na naglunsad sila ng missiles laban sa isang base ng US sa hilagang Iraq, sa US naval headquarters sa Bahrain, at sa mga target sa central Israel. Naitala rin ang mga pagsabog sa Bahrain, habang apat na katao ang nasugatan matapos bumagsak ang dalawang drone malapit sa paliparan sa Dubai.
Tatlong barko rin ang nasira sa magkakahiwalay na insidente sa Gulf, kabilang ang Thai-flagged bulk carrier, Japan-flagged container ship, at Marshall Islands-flagged bulk carrier. Nailikas ang mga tripulante ng Thai vessel matapos sumabog at magliyab ang barko.
Pinag-uusapan na rin ng mga pamahalaan ang mga hakbang upang patatagin ang suplay ng langis. Inaasahang irerekomenda ng International Energy Agency (IEA) ang paglabas ng 400 milyong bariles mula sa global strategic reserves, bagaman tinatayang tatagal lamang ito ng humigit-kumulang tatlong linggong suplay sa Strait of Hormuz.
Sa kasalukuyan, sinabi ng UN ambassador ng Iran na si Amir Saeid Iravani na mahigit 1,300 Iranian civilians na ang nasawi mula nang magsimula ang airstrikes ng US at Israel.
Sa kabilang panig, sinabi na hindi bababa sa 11 katao ang nasawi sa mga pag-atake ng Iran sa Israel, habang dalawang sundalong Israeli ang namatay sa Lebanon. Ayon naman sa United States, pitong sundalong Amerikano ang nasawi at nasa 140 ang nasugatan mula nang lumala ang labanan. RNT