MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang paggamit ng P10-bilyong pondo ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makayanan ang tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaayos na ng ahensya ang paglalabas ng naturang tulong habang pinag-aaralan kung paano ito ipamamahagi.
“We are working out to release presidential assistance for farmers and fishermen… We are now checking paano ang distribution nito,” ani Tiu Laurel sa mensahe sa Philippine News Agency.
Ang PAFF ay nakapaloob sa badyet ng DA sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) ngunit nakatakda sanang ilabas sa pagitan ng ikalawa at ikatlong quarter ng taon.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang pondo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P10 bilyon ay karaniwang ginagamit para sa tulong sa mga biktima ng kalamidad, ngunit maaari ring gamitin sa kasalukuyang sitwasyon.
“Medyo malaki ‘yun, that’s about PHP10 billion for calamity purposes, but since pwede naman ito na i-consider,” ani de Mesa.
Dagdag niya, nakikipag-ugnayan na ang DA sa kanilang operations group upang matukoy kung paano maaaring gamitin ang pondo sakaling magpatuloy ang problema sa Gitnang Silangan na maaaring makaapekto sa sektor ng agrikultura.
“We are already coordinating with the operations group on how this can be tapped kung talagang mapo-prolong itong problema sa Gitnang Silangan,” ani de Mesa.
Kapag naaprubahan, makikinabang dito ang mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa buong bansa. Sa ilalim ng PAFF program, karaniwang tumatanggap ang mga benepisyaryo ng cash assistance na mula P5,000 hanggang P15,000, lalo na ang mga naapektuhan ng kalamidad. Santi Celario