MANILA, Philippines – Apektado ang nasa 200 pamilya sa sunog na sumiklab nitong Lunes ng hapon, Mayo 5, sa residential area sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, ang sunog na sumiklab sa bahagi ng Cambridge at Ermin Garcia Streets ay umabot ng unang alarma bandang 12:01 ng hapon at umabot sa ikaapat na alarma 12:18 ng hapon.
Sa ulat, nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog sa bandang gilid ng creek dahil sa malakas na hangin. Mabilis din kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga tirahan.
Idineklara namang under control ang sunog bago mag-alas-2 ng hapon.
Dinala naman sa ospital ang isang lalaki matapos na mabalian nang tumalon mula sa bubong para tumakas sa sunog.
Pansamantalang tumutuloy ang mga apektadong residente sa Nativity of Our Lord Parish church. RNT/JGC