Home NATIONWIDE 20,000 marino, 15,000 passenger cruise ship stranded sa Iran-US war

20,000 marino, 15,000 passenger cruise ship stranded sa Iran-US war

195
0

LONDON — Humigit-kumulang 20,000 seafarers at 15,000 cruise ship passengers ang na-stranded sa Gulf dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa Middle East, ayon sa International Maritime Organization.

Sinabi ni shipping regulator’s secretary general Arsenio Dominguez na handa ang ahensya na makipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong tripulante.

“The IMO is ready to work with all stakeholders to help ensure the safety and well-being of the seafarers affected,” aniya.

Idineklara ng maritime sector ang Strait of Hormuz, Gulf of Oman, at Gulf bilang “warlike operations area,” na nagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga seafarer habang patuloy ang sigalot sa mahalagang rutang dinaraanan ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Mula nang sumiklab ang digmaan noong Sabado, naitala ng IMO ang pitong insidente na kinasangkutan ng mga barko sa rehiyon na nagresulta sa dalawang pagkamatay at pitong nasugatan.

“Beyond the economic impact of these alarming attacks, it is a humanitarian issue. No attack on innocent seafarers is ever justified,” ayon kay Dominguez.

Ayon sa ulat, epektibong isinara ng Iran ang Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang halos isang-kalimang bahagi ng suplay ng crude oil sa buong mundo pati na malaking bahagi ng liquefied natural gas.

Ilang shipping companies kabilang ang Maersk ang pansamantalang nagpatigil ng bookings sa Gulf.

Ayon sa mga maritime group, daan-daang barko ang na-stranded matapos ihinto ang pagdaan ng mga sasakyang pandagat sa naturang kipot, na nagpapakita ng lawak ng panganib na kinakaharap ng mga tripulante.

Sinabi naman ni Stephen Cotton ng International Transport Workers Federation na ito na ang pinakamasamang sitwasyong nakita niya sa loob ng 32 taon dahil sa kawalan ng malinaw na diplomatikong solusyon.

Iniulat ng energy intelligence firm na Kpler na bumaba ng humigit-kumulang 90 porsiyento ang pagdaan ng mga oil tanker sa Strait of Hormuz kumpara noong nakaraang linggo.

Dahil dito, tumaas din ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Umabot sa $78.88 kada bariles ang West Texas Intermediate habang umakyat sa $84.34 kada bariles ang Brent crude.

Samantala, sinabi ni Donald Trump na handa ang U.S. Navy na eskortahan ang mga oil tanker sa mahalagang rutang pandagat kung kinakailangan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here