
WALANG nakatitiyak kung kailan aatake at sasakupin ng China ang Taiwan.
Basta nakikita natin na may mga preparasyon para rito ng China, gayundin ang paghahanda ng Taiwan upang ipagtanggol nito ang sarili.
Sa oras na magkaroon ng giyera sa pagitan ng dalawa, tiyak na apektado ang mga overseas Filipino worker na naroroon.
150,000-200,000
Tinatatayang nasa 150,000-200,000 ang mga OFW sa nasabing isla na nagnenegosyo o nagtatrabaho.
Isama na natin dito ang mga turistang Pinoy na paborito ang Taiwan na puntahan, lalo’t magaan ang pagpunta roon sa maliit na gastusin sa pamasahe at sa visa free na patakaran nito sa mga Filipino.
Kung ganyan karami ang bilang ng mga Filipino roon, hindi madali ang paglilikas sa kanila.
Kahit pa may mga isla tayo na malalapit lang sa Taiwan.
Halimbawa, 493 kilometro lang ang layo ng Taiwan sa Babuyan Island natin o 615 kilometro sa Ilocos Norte.
Distansya ‘yan ng Manila-Tuguegarao o Aparri, Cagayan.
Malamang na sa dagat daraanin ang pagliligtas sa mga OFW dahil posible na maparalisa agad ang anomang paliparan meron ang Taiwan.
NASAAN ANG MGA SASAKYAN?
Naglalaro sa 500 hanggang 2,000 ang sakay ng bawat barko sa Pilipinas na pampasahero.
Gaano karaming barko ang pupwedeng sabay-sabay na susundo sa mga OFW at iba pang Pinoy sa nasabing isla?
Gaano katagal na tawagin ang mga ito para manundo at saan-saan sila pupwedeng sunduin?
Alalahaning tiyak na magkakaroon ng blockade ang mga barko ng China sa paligid ng Taiwan at gaya ng ginagawa nila ngayon, may ibinabakod na mga barko sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.
Paano ang komunikasyon sa China at Taiwan para hindi madamay sa giyera ang mga lilikas na Pinoy na sasakay sa mga barko?
Mayroon na rin bang paghahanda sa mga Pinoy para sa kanilang agarang paglikas?
Paano kung biglaan ang mga pangyayari at maunang bakuran ng Chinese navy at Coast Guard ang pagitan ng Pilipinas at Taiwan para mapigilan ang mga Kano na gamitin ang mga pwersa ng Pilipinas laban sa mga pwersa ng China?
Alalahaning ang mga Kano ang nagsasabing poprotekta sa Taiwan at lumalabas na gagamitin nila ang mga itinayo nilang kampo sa Pinas para rito, partikular ang isang site ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na itinayo sa lalawigan ng Lallo, Cagayan.
At posibleng isasama na rin ang mga EDCA site sa Palawan, Pampanga, Isabela at iba pa.
‘PAG SUMALI ANG PINAS SA GIYERA?
Kapag sumali ang Pilipinas sa giyera, malamang na mahirap pakiusapan ang China na palusutin ang mga barko na susundo sa mga OFW.
Ang pagsali ng Pilipinas ang ibinabandera ng ilang opisyal ng gobyerno at pagsisimulan ng napakalaking problema sa paglilikas.
Magbubunga tiyak ito ng pagharang ng China sa anomang barko, lantsa o bangka para sa paglilikas.
Kaya, sana, hangga’t maaari, daanin sa diplomasya ang lahat at hindi sa pakikisawsaw sa giyera na ang mga Kano ang higit na makikinabang at hindi ang mga Pilipino.