MANILA, Philippines- Nakumpiska ng Calabarzon police ang mahigit 200,000 illegal firecrackers bago ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa isang panayam nitong Biyernes, ipinakita ng Philippine National Police Regional Office 4-A ang panganib ng ilegal na paputok.
Isa sa mga sinubok na paputok ang “Kingkong,” bahagyang mas malaki kumpara sa “5-Star” firecracker. Nang pasabugin sa mannequin, natanggalan ito ng daliri sa kaliwang kamay.
“Yung kamay natin, laman lang ‘yan, pwedeng yung damage nito aabot sa limang daliri niya, mauubos,” pahayag ni Calabarzon Police chief Police Brigadier General Kenneth Paul Lucas.
Sinubok din ang “kabase,” sa kanang kamay ng mannequin, nagresulta sa matinding pinsala sa mga daliri.
“Eh kung totoong kamay ng tao ito, siguradong hindi lang daliri ang putol kundi pati yung kamay niya mapuputol,” ani Lucas.
Pinaiigting ng Calabarzon police ang kanilang kampanya laban sa paggamit ng “boga,” isang improvised noisemaker, kasunod ng mga insidente sa Cavite at Batangas na kinasasangkutan ng mga bata..
“Yung isa diyan pumutok yung improvised na boga na ‘yun sa kanyang mukha at muntik na mabulag yung biktima na ito,” sabi ni Lucas. RNT/SA