MANILA, Philippines- Nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang executive order (EO) na magpapatupad ng iskedyul ng tariff commitment ng Pilipinas sa ilalim ng Free Trade Agreement with South Korea (PH-KR FTA) ng bansa.
Ang direktiba ay nasa ilalim ng EO No. 80, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na may pahintulot naman ng Pangulo, ipinalabas noong Disyembre 23, 2024.
Sa isang kalatas, tinukoy ng Presidential Communications Office (PCO) ang EO 80, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na ayusin at baguhin ang rate ng import duty sa ilang imported articles para sa bansa upang makasunod sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA.
Nakasaad sa kautusan na ang lahat ng artikulo na nakalista sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA “shall be subject to the rates of import duties at the time of importation.”
“All originating goods from Republic of Korea listed in the aforementioned Philippine Schedule of Tariff Commitments under Section 1 hereof, that are entered into or withdrawn from warehouses or free zones in the Philippines for consumption or introduction to the customs territory, shall be levied the rates of duty as prescribed therein, subject to the submission of a Proof of Origin, in compliance with all applicable requirements under the PH-KR FTA,” dagdag na pahayag nito.
Sa kabilang dako, nakatakda namang sumipa ang FTA sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea sa Disyembre 31, 2024.
Ang free trade deal ay tinintahan sa panahon ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na idinaos sa Indonesia noong September 2023.
Pinirmahan ang PH-KR FTA upang mas lalo pang palakasin ang economic partnership at bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea sa pamamagitan ng pagbabawas at pag-aalis sa tariff restrictions bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaan na pangasiwaan ang ‘competitive exclusion’, hikayatin ang mas maraming foreign direct investments, at tiyakin ang mas ‘preferential concessions’ kaysa sa kasalukuyang available sa ilalim ng umiiral na kasunduan.
Matatandaang niratipikahan ni Pangulong Marcos ang PH-KR FTA noong May 13, 2024, kung saan sinang-ayunan ng Senado ang nasabing ratipikasyon sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 1188 na may petsang September 23, 2024. Kris Jose