MANILA, Philippines- Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang motion for reconsideration (MR) na naglalayong hadlangan ang senatorial bid ng nakakulong na si Apollo Quiboloy sa 2025 election dahil sa kakulangan ng merito.
Sa isang resolusyon na inilabas noong Biyernes, ibinasura ng Comelec en banc ang MR na inihain ng senatorial aspirant at Workers and Peasants Party na si Sonny Matula na naghangad na baligtarin ang desisyon ng Comelec First Division na nagpapahintulot kay Quiboloy na tumakbo sa senado.
“WHEREFORE, premises considered, the Commission (En Banc) RESOLVED, as it hereby RESOLVES, to DENY the Motion for Reconsideration. The Assailed Resolution is HEREBY AFFIRMED,” ayon sa en banc decision.
Sa resolusyon, sinabi ng en banc na walang valid na dahilan na sinabi sa mosyon at sa desisyon ng First Division, walang sapat na batayan na nakita sa talaan o salungat sa batas.
“We find no cogent reason to depart from the Assailed Resolution of the Commission (First Division). The arguments raised by Petitioner in his Motion were already thoroughly passed upon and incisively examined by the Commission (First Division),” ayon pa sa en banc resolution .
Pinirmahan nina Comelec chairman George Garcia, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., at Nelson Celis ang resolusyon.
Sa kanyang MR, muling iginiit ni Matula na ang kandidatura ni Quiboloy ay pangungutya sa proseso ng elektoral habang sinasabi na ang Comelec ruling ay naglalantad ng kapuna-punang hindi pagkakapareho-pareho.
Sinabi ni Matula na si Quiboloy, na nahaharap sa maraming legal na kaso kabilang ang mga kasong child sex trafficking, ay pinayagang tumakbong senador sa halalan sa susunod na taon habang si Sultan Subair Guinthium Mustapha, isang respetadong lider ng Muslim at opisyal na kandidato ng WPP, ay idineklara bilang isang nuisance candidate.
Hiniling pa ng mga petitioner sa Comelec en banc na repasuhin ang resolusyon ng First Division, idiskwalipika si Quiboloy bilang isang nuisance candidate, at itugma ang mga procedural rules nito, na sinasabing “tinitiyak nito na itinataguyod ng Comelec ang mga prinsipyo ng katarungan, pagiging makatwiran, at pagiging patas para sa lahat ng kandidato. “
Nauna nang sinabi ng Comelec na maaaring ideklarang independent senatorial bet si Quiboloy sa May 2025 elections matapos itong makatanggap ng dalawang set ng authorized signatories mula sa WPP, bawat isa ay mula sa mga kampo ng mga abogadong sina Mark Kristopher Tolentino at Ariel Joseph Arias. Jocelyn Tabangcura-Domenden