MANILA, Philippines – NAGSIMULA ng makatanggap ng quarterly allowance ang mga Senior Citizen sa Lungsod ng Maynila nitong Lunes.
Ito ang ibinida ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kung saan doblado na ang matatanggap na allowance kada buwan ng mga nakatatandang residente sa nasabing lungsod.
“We were able to double the senior citizens’ allowance to P1,000 per month because of effective revenue collection and prudent management,” ayon kay Lacuna.
Nabatid sa alkalde na ginawang quarterly ang pamamahagi ng nasabing buwanang pensiyon ng mga senior citizen sa halip na tuwing ika-4 na buwan.
“This adjustment was made following improvements in implementation and validation of the registry of seniors,” paliwanag ng alkalde.
Inaasahang makakatanggap ang may 194,529 na mga senior citizens sa anim na distrito ng Manila na kumakatawan sa 43,519 seniors sa district 1, 27,539 sa district 2, 22,805 sa district 3, 31,077 sa district 4, 36,603 sa district 5 at 31,986 sa district 6.
Batay sa schedule, unang ipamamahagi ang allowance na P3,000 ng mga seniors na naninirahan sa una at ikalawang distrito ng Tondo na para sa Enero, Pebrero at Marso 2025.
Nabatid kay Lacuna na kung ang senior ay umabot sa edad na 60 nitong Pebrero o Marso, mas mababa ang kanilang tatanggaping allowance.
Sa mga seniors na hindi kayang magtungo sa barangay dahil sa iniindang sakit, pupuntahan sila ng mga barangay officials sa kanilang tahanan o ospital upang ibigay ang allowance.
Nabatid sa alkalde na matagal na nilang inihinto ang paggamit ng debit card sa pamamahagi ng allowance dahil karamihan sa mga seniors ay nalilimutan ang PIN number at ang ilan ay nawawaglit ang card at posibleng mapunta sa iba kaya hindi napapakinabangan ang pera. Jay Reyes