MANILA, Philippines – Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na wala pang direktiba na inilalabas sa Embahada ng Pilipinas sa The Hague kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
Paliwanag ni Manalo, ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Justice (DOJ) ang nangangasiwa sa usaping ito.
Dagdag pa niya, wala nang ugnayan ang DFA sa International Criminal Court (ICC) mula nang umalis ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport matapos dumating mula Hong Kong at dinala sa Villamor Airbase para sa medikal na pagsusuri.
Hindi pa tiyak kung dadalhin siya agad sa punong-tanggapan ng ICC sa The Hague. Sinasaklaw ng imbestigasyon ng ICC ang umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ni Duterte mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, bago opisyal na kumalas ang Pilipinas sa ICC. RNT