MANILA, Philippines — Kinondena ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang pag-aresto sa kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tinawag niyang “garapal na pagyurak sa ating soberanya.”
Binatikos niya ang gobyerno sa pagsuko ng isang Pilipino sa dayuhang kapangyarihan, na aniya’y insulto sa kasarinlan ng bansa.
Ayon kay Sara Duterte, pinagkakaitan ng karapatan ang kanyang ama, na hindi pa naihaharap sa isang lehitimong hukuman mula nang siya ay maaresto, at sapilitang dadalhin sa The Hague. Tinawag niya itong pang-aapi at pag-uusig, hindi hustisya.
Idineklara rin niyang isang pagtataksil sa soberanya at dignidad ng bansa ang naturang pag-aresto, sabay sabing, “Panginoon, iligtas mo ang Pilipinas.”
Inaresto si Rodrigo Duterte, 79, pagkarating mula Hong Kong nitong Martes, batay sa warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang madugong kampanya kontra droga. Inakusahan siya ng ICC ng crimes against humanity dahil sa libu-libong kaso ng umano’y extrajudicial killings.
Kinumpirma ng Presidential Communications Office na natanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na warrant mula ICC bago magmadaling-araw, at ipinaabot ito ng Prosecutor General pagdating ni Duterte sa Ninoy Aquino International Airport. RNT