MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pag-require ng personal na pagpunta para sa SIM card registration upang labanan ang pandaraya at mga scam na may kaugnayan sa pagbebenta ng SIM identities.
Ayon sa pahayag ng NTC nitong Martes, nire-review nito ang implementasyon ng Republic Act No. 11934 at tinatalakay ang posibleng mga pagbabago, kabilang ang personal appearance requirement na katulad ng proseso sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho at NBI clearance.
Layunin nitong tugunan ang mga batikos na ang online registration ay nagdulot ng pagdami ng text scams.
Kahit may parusang hanggang anim na taong pagkakakulong at multang hanggang ₱300,000, patuloy pa ring sinasamantala ng ilang indibidwal ang sistema sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang identidad.
Nagpanukala ang NTC na bigyan ng kapangyarihan ang komisyon na mag-regulate ng SIM ownership at limitahan ang tinatanggap na valid IDs.
Inirekomenda rin nito na bumuo ang mga ahensyang nag-iisyu ng government IDs ng validation platform na maaring gamitin ng public telecommunications entities (PTEs) para palakasin ang seguridad ng proseso ng SIM registration.
Noong nakaraang taon, mahigit 3.3 bilyong scam messages ang na-block at mahigit 3.1 milyong SIM ang dineactivate ng PTEs, na nakatulong sa pagbawas ng mga scam na may kaugnayan sa SIM cards. Muling tiniyak ng NTC ang kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng SIM Registration Act at paglaban sa mga ilegal na gawain. RNT