MANILA, Philippines — Isinakay sa isang chartered flight patungo umanong The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos arestuhin batay sa warrant ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong drug war ng kanyang administrasyon.
Inaresto si Duterte nitong Martes ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at kalaunan ay inilipat sa Villamor Air Base bago ang kanyang paglipad.
Base sa ulat na pinayagang makasama ni Digong ang tatlo niyang piling makakasama sa nasabing flight at isa na sa sumakay ay si dating executive secretary Salvador Medialdea.
Sa kabila ng mga naglalabasang ulat, hindi pa naman kumpirmado kung saang bansa dadalhin ang dating Pangulo.
Ayon sa opisyal na datos ng pamahalaan, umabot sa 6,000 ang namatay sa kampanya kontra droga. Ngunit ayon sa mga human rights groups at ICC, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi mula 2016 hanggang 2019, na karamihan ay hinihinalang biktima ng extrajudicial killings.