MANILA, Philippines – Produktibong tinapos ng Senate Blue Ribbon Committee ang 2024 sa pagtalakay sa ilang mahahalagang isyu sa bansa partikular ang imbestigasyon sa repormang pangkalusugan, national security, identity theft, at sports.
Pormal na kilala bilang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, ang makapangyarihang Blue Ribbon Committee ang naatasang mag-imbestiga sa anumang pinagsususpetsahang katiwalian, pagkukulang, kawalan ng aksyon, o kapabayaan ng mga opisyal at empleyado ng anumang kagawaran o ahensya ng gobyerno.
Sa buong 2024, nagsagawa ang komite sa ilalim ng kauna-unahang babaeng chairperson na si Senador Pia Cayetano ng mga pagdinig at kagyat na aksyonna siyang nagsiwalat ng mga iregularidad at nagtulak ng mahahalagang repormang nangangalaga sa interes ng publiko.
Paglalantad sa katiwaliang bumabalot sa tobacco control
Nitong February at April, inimbestigahan ng komite ang delegasyon ng Pilipinas sa 10th World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) Conference of Parties (COP10).
Ito’y matapos gawaran ang Pilipinas ng ikalima nitong “Dirty Ashtray Award,” isang titulong ibinibigay sa mga bansang itinuturing na mas pinapaboran ang industriya ng tabako kaysa sa kalusugan ng publiko.
Lumalabas na sa 34 na miyembro ng delegasyon, may mga tobacco advocate na nabigong ipagtanggol ang health interests ng bansa.
Mariing pinuna ni Cayetano ang ginawang pag-antala ng delegasyon sa mga probisyon na mag-oobligang i-test ang mga tobacco product at ideklara ang mga nilalaman nito.
Binigyang diin din ng mga pagdinig ang kahalagahan ng pagtiyak na kasamang dumadalo sa major public health events ang matataas na opisyal ng bansa tulad ng Kalihim ng Department of Health para mahigpit na maisulong ang interes ng bansa.
Pagsugpo sa mga pekeng public document
Nitong March at August naman, natuklasan ng komite ang sistematikong pamemeke ng mga birth certificate, passport, at iba pang mga government-issued document na ilegal na ginagamit ng mga dayuhan.
Sa isa sa mga pagdinig ng komite, naisiwalat na 54 sa 1,501 na mga kwestyonableng birth certificate sa Sta. Cruz, Davao del Sur ay pagmamay-ari ng mga indibidwal na dayuhan ang mga magulang.
Hinihinalang isa itong organized fraud dahil magkakapareho ang sulat-kamay sa mga nabanggit na birth certificate.
Nakakita rin ang komite ng mga katulad na isyu sa ibang lungsod, kabilang ang Manila, Caloocan, Quezon City, Pasay, at Pasig na nanguna sa listahan ng mga lugar na may pekeng dokumento.
Tinawag ni Senador Cayetano ang scheme na ito na “pagbebenta sa Philippine citizenship” at nagbabalang isa itong seryosong national security concern.
Binigyang diin din niya ang matinding epekto ng mga pekeng dokumento, partikular ang mga pekeng pasaporte, sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na ang nakasalalay ang kabuhayan sa mga nasabing importanteng dokumento.
“It is the State’s duty to protect and maintain the integrity and credibility of passports and travel documents,” pahayag ni Senador Cayetano.
Pagpapanatili sa integridad ng Philippine sports
Tinarabaho din ng komite ang pagtataguyod sa integridad ng sports nang aksyunan nito ang hindi pagsunod ng Philippine Sports Commission (PSC) sa World Anti-Doping Agency (WADA) Code.
Inilalagay kasi nito sa alanganin ang eligibility ng mga atletang Pilipino na makalahok sa mga international event kabilang ang Olympics.
Kasunod ng interbensyon ng komite, agad namang winasto ng PSC ang kakulangan nito at kalaunan ay iniulat sa komite ang ganap na pagsunod nito sa Code. Bilang resulta, napangalagaan ang mga karapatan at oportunidad ng mga atletang Pilipino.
Sa pamamagitan ng mga masusing pagdinig at mapagpasyang aksyon na ginawa nito nitong 2024, pinangatawanan ng Blue Ribbon Committee ang pangako nito sa transparency, accountability, at good governance.
Tinugunan ng komite ang mga isyung nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino bilang bahagi ng pagsisikap nitong itaguyod ang batas at paigtingin ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno. Ernie Reyes