Manila, Philippines – Lusot na sa deliberasyon ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang 2025 badyet ng Office of the President (OP), Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA) at ang Department of Education (DepEd).
Ang DepEd ay may alokasyon na P793.177 bilyon na ayon kay Appropriations committee vice chairperson at Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora ay susuporta sa mandato na maiangat ang antas ng basic education sa bansa.
“This budget will enable DepEd to carry out its mandate of providing the best possible basic education so that all our learners can become equipped for the successes and challenges of tomorrow,” ani Zamora.
Sinunod na tinapos ng mga mambabatas ang deliberasyon ay ang badyet ng Office of the President na P10.5 bilyon na ayon kay Navotas City Rep. Tobias Tiangco ay mas mababa ng 1.88 percent kumpara sa 2024 budget kaakibat ng pahayag na maayos na nagastos ng OP ang pondo nito base na rin sa mga isinumiteng dokumento ng COA.
Samantala, tinapos din agad ng mga mambabatas ang deliberasyon sa may P2.845 bilyong budget ng Civil Service Commission (CSC) na ayon naman sa sponsor na si Appropriations committee vice chairperson at General Santos City Rep. Loreto Acharon ay gugugulin sa mga programa, aktibidad at operasyon ng ahensya upang matiyak na naipatutupad ang “administration and enforcement of the constitutional and statutory rules governing the merit system at all levels and ranks of the civil service.”
Huling nailusot ang P13.4 bilyong basyet ng COA sa maayos na sponsorship ni committee vice chairperson at Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II. (Meliza Maluntag)