MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Committee on Appropriations Senior vice chairperson Rep Stella Quimbo na maipapasa sa huli at ikatlong pagbasa ng Kamara ang panukalang P6.352-trillion 2025 national budget sa Setyembre 25.
Ayon kay Quimbo, simula sa Lunes, Setyembre 16 ay sisimulan na ng House Plenary ang pagtalakay sa 2025 budget at kumpiyansa itong sapat ang magiging oras dahil magkakaroon ng marathon hearing.
“Confident tayo na matatapos sa September 25 and yes magkakaroon ng marathon hearing. Araw-araw mag-uumpisa na tayo tuloy-tuloy ‘yan hanggat hindi natin matapos ang naka-schedule na agencies for that day,” paliwanag ni Quimbo.
“Ang ma-expect natin would be debates but this time hindi magsasalita mismo ang mga ahensya. So ang pwede lang talaga magsalita would be the congressman and congresswomen,debate po siya between members of the House,” dagdag pa nito.
Una nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ang panukalang budget ay ipapasa ng Kamara bago ang kanilang recess sa Setyembre 27. Gail Mendoza