MANILA, Philippines- Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pangunahing opisyal ng Executive Department para himayin at rebisahing mabuti ang 2025 national budget.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na kasama ng Pangulo sa naturang pulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Finance Secretary Ralph Recto, Budget Secretary Amenah Pangandaman, DPWH Secretary Manuel Bonoan at NEDA Secretary Arsenio Balisacan, sa gitna ng sigaw ng publiko ukol sa ilang kuwestiyonableng pagtapyas sa 2025 budget allocations sa mga pangunahing departamento kabilang na ang Department of Education (DepEd).
Ayon sa PCO, ang pagrerebisa ay upang tiyakin na ang 2025 national budget ay nakahanay sa “key development priorities.”
Nauna rito, ipinagpaliban ng Malakanyang ang nakatakda sanang paglagda sa 2025 national budget, araw ng Biyernes, Disyembre 20.
“To allow the President “more time for a rigorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year,” ayon sa kalatas ni ES Bersamin.
Sa ulat, may ilang mambabatas ang nagpahayag ng pagkabahala at pag-aalala sa budget cuts sa panukalang GAA, kabilang na ang P12 bilyong tinapyas sa 2025 budget ng Department of Education at ang pag-alis sa subsidy para sa Philippine Health Insurance Corp. Kris Jose