Home NATIONWIDE Paglilipat ng BARMM election oks na sa Kamara

Paglilipat ng BARMM election oks na sa Kamara

MANILA, Philippines- Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang paglilipat ng petsa ng kauna-unahang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na mula Mayo 2025 ay gagawin sa Mayo 2026.

Ang panukala na nakapaloob sa House Bill 11144 ay nakakuha ng boto na 198 pabor at apat na pagtutol.

Sa oras na maisabatas ay aatasan ang Pangulo na magtalaga ng 80 bagong Bangsamoro Transition Authority (BTA) members na magsisilbi hanggang Mayo 2026 hangang sa maihalal ang kanilang kapalit.

“This is to provide additional time for the BARMM to resolve various emerging legal issues and promote broader participation from political parties. This is also to allow for the region to have a more enhanced understanding of the new electoral process,” nakasaad sa inaprubahang panukala.

Samantala, sa pagpapaliwanag ng kanyang NO vote, sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang pag-postpone sa BARMM polls na kasabay dapat ng 2025 midterm election ay malinaw na paglabag sa autonomous status ng BARMM at nanghihikayat lamang ng “patronage politics.”

“Babalik tayo sa siklo ng pagkapit sa kapangyarihan ng iilang personalidad at angkan. Bubuksan na naman natin ang pinto para maghari ang transaksyonalismo at patronage politics,” paliwanag ni Hataman.

Giniit pa ni Hataman na ilegal ang ginawang pagpapaliban ng BARMM election.

“Dapat tumuloy ang halalan. Mas mahalagang sumulong tungo sa yugto kung saan sinasalamin ng pamahalaan ang tunay na tinig ng taumbayan. Mas mahalaga ang demokrasya, mas mahalaga ang progreso, mas mahalaga ang kinabukasan ng Bangsamoro,” ani Hataman.

Ang 80 Bangsamoro Parliament ay binubuo ng 40 political party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives.

Sa kasalukuyan, ang Moro Islamic Liberation Front’s (MILF) United Bangsamoro Justice Party ang may hawak ng mayorya sa Bangsamoro Parliament.

Matatandaang ang MILF at ang gobyerno ay nagkaroon ng peace agreement kaya naman noong 2019 ay naitatag ang BARMM. Gail Mendoza